Friday, September 24, 2010

Bakit Nasa Huli Ang Pagsisisi?

May mga bagay na nalalaman natin sa huli. At ang mga bagay na ito ay s’yang nagsasabi sa atin na may kulang pala sa ating mga nagawa. Mga bagay na nagtuturo sa’tin ng panibagong leksyon o mga ediya na kung paano gawin ng tama at sapat ang parehong bagay na ginawa na natin. Dahil rin dito, nadaragdagan ang ating kaalaman.

Bakit hindi sa simula nalalaman ang mga leksyon ng buhay? Bakit kailangan pa munang masaktan o masawi sa ating mga ginagawa? Bakit nasa huli ang pagsisisi? Marahil ang mga tanong na ito ay mahirap sagutin ng mga taong hindi pa dumaan sa ilang mga pagsubok sa buhay. Dahil ang mga tanong na ito ay kailangan ng tamang pang-unawa. Tamang pang-unawa sa mga bagay dito sa mundo.

Ang iba marahil sa atin ay hiniling na sana ay bumalik ulit ang nakaraan para itama ang mga maling bagay na nagawa. Subalit hindi ba natin naiisip na noong panahon na ‘yon, noong ginagawa natin ang bagay na ‘yon, para sa atin ang mga bagay na ginagawa natin sa kasalukuyan ay tama at kinailangang lumipas ang panahon para malaman na ito ay mali ? Pero bakit ganito? Parang “mangyari na ang mangyari” ang ibig iparating sa’tin ng panahon na ang bagay na akala natin ang tama ay sa huli hindi pala? Pero may iba naman na alam natin na nagiging mali ito sa huli kaya iniiwasan na lamang itong gawin. Pero bakit ang kadalasang nangyayari ay ang kabaliktaran? Bakit nasa huli lagi ang pagsisisi? Marahil ito ang dahilan kung bakit ang iba ay kinukuha ang sariling buhay.

Bakit ganito lagi ang buhay ng tao, na kung bakit nagiging mali ang mga bagay na inakalang tama noong araw na ginagawa pa lamang ito? Bakit nga ba? Naisip n’yo rin ba ito? Tama rin naman diba?

Ang pagsisising ito marahil ang nagtuturo sa’tin ng mga bagay na dapat nating ginawa noong araw. Ang mga ginawang bagay na inakalang sapat na ngunit kulang pa. Ang mga ginagawa natin ay sinusubok ng panahon kung ito ay matatag at kung kailangan pang patatagin para sa darating pang araw. Subalit may mga bagay na kung nalaman na natin na kulang ang ating ginawa, ito’y hindi na bumabalik at maaaring hindi na maibalik pa ng tuluyan.

Ako naman, ay umaasa na may isa pang pagkakataon para sa’kin, pagkakataon para mapunan ko ang mga pagkukulang at maitama ang mga mali ko. Sinasabi ko ito sa isang tao na mahal sa buhay ko na minsan ko nang nasaktan. (Patawad – lab u!)

Ito ang ibinigay na kaalaman sa’kin, ang ayusin ang buhay para sa ikalawang pagkakataong ibibigay sa’kin at pang unawa sa mga bagay na huli na kung dumarating, ang pagsisisi. Para sa inyo, kailangan n’yo lang bigyan ng panahaon ang sarili para malaman kung ano ang inyong mga dapat gawin para walang maiba sa buhay n’yo kung may nalaman na pagbabago.

No comments:

Post a Comment