
Katatapos pa lang ng Regional SCUAA at nagyaya ang buong taekwondo team na ipagdiwang ang pagkakapanalo ng bawat isa. Nagset ng araw si Clarisse. Para siguradong makasama at walang ginagawa ang lahat, Sabado ang kanyang napiling araw at pumayag naman agad ang buong team.
Nagtipon ang buong team sa napagkasunduang lugar para sabay-sabay silang magb’yahe papunta sa Isla Ando. Ang islang ito ay isa sa pinakamagandang isla sa Silangan Samar.
“Papunta na ako d’yan,” sabi ni Alex, “see you soon.”
“Ingat sa b’yahe,” paalala ni Clarisse, “see you.”
“Power hug!” biro ni Alex.
“Power lang walang hug!” patawang sabi bi Clarisse.
“Kawawa naman ako.” Pa-cute na sabi ni Alex.
Matagal nang may gusto si Alex kay Clarisse. Pero mas madali talagang sabihin ng pabiro ang seryoso at totoong nararamdaman para sa isang tao. Ang masakit nga lang, hindi mo rin alam kung totoo ba o pabiro rin ang sagot niya.
Masayang nag-uusap ang buong team sakay sa isang maliit na bangka habang papunta sila sa isla. Tahimik lang si Alex na kumukuha ng mga larawan gamit ang kanayng cellphone. Pasulyap-sulyap din s’ya kay Clarisse na nasa harapan niya.
“Ipapapulis mo ba ako,” bulong ni Alex, “kung mahuhuli mo akong nagnanakaw ng tingin sa’yo?”
“Ano?” tanong ni Clarisse. Hindi niya kas narinig and sinabi ni Alex.
“Tanong ko lang sana kung maganda sa isla.” Sabi ni Alex habang iniiiba niya ang kanyang sinabi kanina. “first time ko kasi sa Isla Ando.”
“Mag-e-enjoy ka promise!” hikayat ni Clarisse. “maganda doon at masaya pa.”
Bulong ulit ni Alex, “makasama ka lang masaya na ako.”
Ngumiti lang si Clarisse. Hindi niya ulit narinig ang sinabi ni Alex kasi malakas ang tunog ng umaandar na bangka.
Nakarating sila sa isla matapos and ilang oras ng b’yahe. Habang nasa pantalan pa sila ay kinuha ni Alex ang mono pod at tinawag ang buong team para mag-groufie. Sa bawat magandang lugar sa isla na kanilang dinaraanan ay nag-groufie sila. Nakarating sila sa Coral Reef. Ang resort na kung saan doon sila magpapalipas ng gabi.
Nagtulongan ang lahat para sa paghahanda ng pagkain. Isang masayang boodle fight ang pinagsaluhan ng buong team. Masayang nagk’wentuhan. Maraming asaran. Kamustahan. At biruan.
Naglibot sila sa isla at pinuntahan ang lugar na may malalaking mga bato at alon. Nasugatan man an ilan, pero nakangiti pa rin sa kasayahang nararamdaman. Tahimik lang si Alex na kumukuha ng mga larawan ng bawat isa. Parang gusto niyang mag-freeze and lahat ng kasayahang kanilang nararamdaman at higit sa lahat, mag-freeze ang oras at panahon kasi kasama n’ya ulit si Clarisse makalipas ang mahabang panahon.
Bumalik agad sa resort ang buong team bago ang dilim. At sinimulan ang ikalawang parte ng kasiyahan, ang inuman, kantahan at sayawan. “Hugot songs!” sabi pa nga ni Dennise. Kasi mga hugot damdamin daw ang mga kanta na parang nagpaparinig sa isang taong mahal niya.
Natapos ang gabi na masaya ang lahat. Natulog ang iba sa duyan at ang iba naman sa cottage. Hindi namalayan ni Alex at Clarisse na magkahawak ang kanilang mga kamay habang naglalakad sa dalampasigan papunta sa cottage. Tahimik lang. Walang may nagsasalita. Na para bang hindi na kailangan pang magsilita, basta’t magkahawak lang ang kanilang kamay, basta’t magkasama lang sila, masaya na silang dalawa. Para bang nag-uusap ang kanilang mga puso? Isang ngiti at tingin lang ay buo na ang lahat.
Nakarating sila sa cottage. Mag-uusap na sana ang dalawa nung bigla nalang nagbrown out. Nabalot ng dilim at katahimikang ang buong paligid walang ibang naririning kundi and mabilis na tibok ng kanilang mga puso habang sila at pinaglalapit nito, nagkaharap, at ilang sandali lang ay bigla silang nagyakap at mga labi ay naglapat.
“Good morning!” bati ni Clarisse habang ginigising niya si Alex. “Uuwi na raw tayo. Gumising ka na.”
“Ha? Ang aga naman?” sabi ni Alex. “maya nalang tulog muna tayo.”
“Kailangan kasi baka wala na tayong masakyan pauwi” Paliwanag ni Clarisse. “Sunday kasi ngayon.”
Tahimik lang ang dalawa habang pauwi na sila - habang pauwi na ang buong team. Marami ang mga katanungan pumapasok sa isip ni Alex habang pilit niyang inaalala ang nangyari nung gabing iyon. Ano ba ang sasabihin niya? Dapat pa bang pag-usapan iyon? O sa isip na lamang ibaon? Siya ba dapat ang mauna? Ano ba? Paano ba simulan? Ano ba ang dapat sabihin? Ano ba ang kanyang nararamdaman? Ngayon na ba? O maghihintay sa tamang panahon? Kailan ba ang tamang panahon?
Sadyang mapaglaro ang kapalaran. May dalawang pusong pinagtatagpo at pinaglalaruan. Paano ba? Ano ba? Hahayaan na lang ba na ang kapalaran ang magpasya para sa dalawang puso? O gagawa sila ng paraan? Gagawa ng sarili nilang tadhana para madugtungan ang kasiyahang naramdaman ng dalawang pusong pinagtago, pero hindi itinadhana?
No comments:
Post a Comment